Augie Rivera's stirring eulogy for Rene Villanueva delivered last night at Sanctuarium during the tribute by people in the Children's Literature industry.ANG BONGGANG-BONGGANG SI RENE!
NI AUGIE RIVERA
9 DECEMBER 2007
SANCTUARIUM
MARAMI NA SA INYO ANG NAGBIGAY PAPURI KAY RENE BILANG “MABUTING GURO… MABUTING KAIBIGAN… MABUTING MENTOR…” PERO KUNG KAYO AY TAGA-BATIBOT, AT NAKATRABAHO N’YO SIYA, NAGING BOSS, AT NAKASAMA SA OPISINA NANG HALOS PITONG ARAW SA ISANG LINGGO, AT SA KASO KO, SA LOOB NG HALOS PITONG TAON… MEDYO KAILANGAN MO YATANG MAGHAGILAP NG IBA PANG ADJECTIVE BUKOD SA “MABUTI”.
ISA ‘YAN SA MGA NATUTUHAN KO KAY RENE: KUNG MAGLALARAWAN KA, HINDI UUBRA ANG PANGKARANIWAN LANG. AT KUNG MANG-OOKRAY KA RIN LANG, GAWIN MO NA NANG BONGGANG-BONGGA!
KAY RENE KO UNANG NARINIG NA PUWEDENG ILARAWAN ANG ISANG TAO NA “MUKHANG-LANGIB.” O KAYA’Y “MUKHANG PUSIT!” AT HIGIT SA LAHAT, “MUKHANG PUSIT NA DE-LATA!” BIRUIN N’YO, PUSIT KA NA NGA, HINDI KA PA FRESH… PROCESSED AT MAY PRESERVATIVES KA PA!
KUNG SASABUNIN MO RIN LANG ANG IYONG STAFF, GAWIN MO NA ITO NANG BONGGANG-BONGGA! SIGAWAN, BULYAWAN, MURA-MURAHIN, ALIPUSTAHIN, ITULAK-TULAK SA HAGDAN… AT HINDI PO MGA EKSENA NI CELIA RODRIGUEZ ANG AKING INILALARAWAN. AT ALAM ‘YAN NG ILANG HENERASYON NG MGA TAGA-BATIBOT NA NA-EXPERIENCE IYON, AT NAPILITANG MAG-RESIGN DAHIL HINDI NA KINAYA ANG ATING LOLA!
PERO, IN FAIRNESS KAY RENE, TUWING MATATAPOS NIYA AKONG SABUNIN NOON, (AT MAY PANAHONG PATI SI ELMER,) HIHINGIN NIYA ANG OPINYON KO SA BUHOK NIYANG BAGONG-TINA NG BERDE, ASUL O VIOLET. MATAPOS NIYA AKONG SIGAW-SIGAWAN, LALAPIT ‘YAN PAGSAPIT NG HAPON AT SASABIHING: “TARA! MERYENDA TAYO! O KAYA, TARA! NOOD TAYO NG SINE! O TARA! INUMAN!”
DECEMBER 1992 NANG ALUKIN AKO NI RENE NOON NA MAGING FULL-TIME STAFF WRITER NIYA SA “BATIBOT,” WALA PA AKONG KAMUWANG-MUWANG NOON SA PAGSUSULAT PARA SA CHILDREN’S TELEVISION. FIRST IMPRESSION KO NGA: SUS! MADALI LANG ISULAT ‘YAN! LAKING-SESAME STREET YATA AKO! (ACTUALLY, MAS CONCERN KONG MAKITA IN PERSON SI PONG PAGONG AT ANG IBA PANG MGA MUPPETS NG SHOW.) PERO NANG MAGSIMULA NA ANG TRABAHO, NA-REALIZE KONG HINDI PALA ITO MADALI.
MADUGO ANG MGA NAGING UNANG PAGTATANGKA KO SA PAGSUSULAT. GRABE KUNG KUMATAY SI RENE NG MGA ISKRIP! KUNG WRITER KANG MAHINA ANG LOOB, LUHAAN, DUGUAN AT GULA-GULANIT KANG PUPULUTIN SA MAY KANAL SA 821 EDSA, PAG PINA-REVISE NIYA ANG ISKRIP MO! HALIMBAWA, ANG 5-PAGE SCRIPT KO, IKO-CROSS OUT NIYA ANG 1ST PAGE, AND 2ND PAGE, AT SAKA HAHATULAN NG KANIYANG RED PILOT PEN NA: “DITO, DITO KA SA
PAGE 3 MAGSISIMULA!” (SA MGA UNANG ATTEMPTS NAMAN NI ELMER BILANG STAFF WRITER, MAY PAGKAKATAONG ISINOLI NI RENE ANG SCRIPT NIYA NA WALANG KAHIT ANONG MARKA KUNDI: “PANGIT!”
PERO JEDI NANG MAITUTURING SI RENE SA LARANGAN NG SCRIPTWRITING FOR CHILDREN’S TV, NA WALA NAMANG FORMAL EDUCATION NOON, AT HANGGANG NGAYON. KAYA NAKINIG LANG AKO SA MGA SINASABI NIYA, NAGSULAT AT NATUTO.
ARAW-ARAW NA GINAWA NG DIYOS, SASABIHAN AKO NI RENE: “O BIGYAN MO AKO NG SAMPUNG PUPPET SEGMENTS. SAMPUNG LIMBO SEGMENTS…SAMPUNG PALAISIPAN… SAMPUNG STORYTELLING… SAMPUNG TUTULA-TULA… “ AT KUNG ANO-ANO PA, NA PARANG UMOORDER LANG SA MCDONALD’S!
(PERO, NAGPAPASALAMAT PA RIN AKO. DAHIL KUNG HINDI NIYA PINATULAAN SA AKIN ANG LAHAT NG GULAY, HINDI KO MAIISIP NA WALA PALA ANG ‘AMPALAYA’ SA KANTANG BAHAY-KUBO, AT HINDI KO SANA NAISULAT ANG UNA KONG LIBRO.)
DAHIL SA DISIPLINANG IPINATAW, ESTE, ITINURO NI RENE, UNTI-UNTI AKONG NASANAY SA PAGBUBUO NG MGA KUWENTO. AT ALAM KONG NAHULI KO NA NGA ANG “BATIBOT STATE OF MIND” NANG HINDI PA NATATAPOS ANG 1993 AY IPINUTONG NA NIYA SA AKIN ANG KORONA NIYANG “HEAD WRITER” NA SUOT-SUOT NIYA MULA PA NOONG UNANG KUMANDIRIT SINA PONG PAGONG AT KIKO MATSING.
SABI NI RENE SA AKIN: “IT TAKES SOME KIND OF MADNESS PARA MAG-SURVIVE KA SA CHILDREN’S TELEVISION.” PALAGAY KO, GANUNDIN ANG KAILANGANG MADNESS PARA LUBOS MONG MAUNAWAAN AT MA-APPRECIATE SI RENE.
NAA-AMAZE AKO SA INYONG MGA NAKAPAGSASABING “MENTOR” N’YO SI RENE. PERO AKO, NAGPAPASALAMAT NA AKO NA, MULA NANG UNA KAMING MAGKAKILALA, MAS NARAMDAMAN KONG ‘COLLEAGUE’ AT ‘KAIBIGAN’ NA ANG TURING NG LOLA KO SA AKIN.
NAAALALA KO, ISANG PASKO, BINIGYAN AKO NI RENE NG LIBRO NG MGA TULA, NA ANG DEDICATION:
KAY AUGIE—
NA NAKILALA KO BILANG MANDUDULA,
NA NGAYON AY NASA KUWENTONG PAMBATA—
NAILIGAW BA KITA?
BAHALA KA NA SA BUHAY MO!
MERRY KRISMAS!
RENE
HINDI MO AKO NAILIGAW, RENE. TULAD NI HANSEL, KUSA KONG KINAIN ANG MGA INIWAN MONG PIRASO NG TINAPAY, KAYA NAPADPAD AKO SA MAKULAY AT MARIKIT NA MUNDONG ITO.
NGAYON, NAIS KONG MAGPASALAMAT SA IYO. HINDI KO ITATANGGI NA MALAKING IMPLUWENSIYA AT INSPIRASYON KA SA AKIN BILANG ISANG MANUNULAT NG KUWENTONG-PAMBATA.
PALAAM NA, BONGGANG-BONGGANG RENE! KASAMA MO NA NGAYON DIYAN SI STA. BUTSIKI!
TURUAN MO ANG MGA ANGHEL KUNG PAANO MAGTIKWAS NG KILAY.
TURUAN MO ANG MGA ANGHEL NA MANG-OKRAY HABANG KUMAKANDIRIT.
AT KASTIGUHIN MO ANG MGA ANGHEL SA LANGIT… NA MAHILIG MAG-BATIBOT! ☺